ALAMIN: Online program para sa mga nais magtuloy ng pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2018 07:13 PM | Updated as of Apr 01 2019 12:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inakala nina Franco Caballes at Weasley Flores na magkakaroon pa sila ng pagkakataong muling makapag-aral at magkaroon ng magandang trabaho.

High school dropout ang dalawa at aminadong hindi nila sineryoso noon ang pag-aaral.

Pero nagbago ang lahat nang magdesisyon silang pumasok sa online program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

"Naisip ko lang, pagdating ng panahon kakailanganin ko rin," sabi ni Flores.

May 52 kursong inaalok ang TESDA Online Program (TOP) mula sa iba't ibang larangan, kabilang ang mga sumusunod:

  • Agriculture
  • Automotive
  • Electronics
  • Entrepreneurship
  • Heating, ventilation, air-conditioning and refrigeration
  • Human health/ health care
  • Information and communication technology
  • Lifelong learning skills
  • Maritime
  • Social, community development and other services
  • Tourism
  • Technical and vocational education and training (TVET)

Kapag nakatapos ng isang online course, maaaring magpa-assess o magpasuri sa TESDA para magkaroon ng national certificate na katumbas ng certification ng isang nagtapos sa regular classroom set-up training ng TESDA.

Puwede ring gamiting bentahe ang certificate sa paghahanap ng trabaho.

"So kung may certificate ka, ito ay nagpapatunay na ikaw ay may kakayahan o ikaw ay competent to do the job or to do the competencies," sabi ni Maria Susan Dela Rama, executive director ng TESDA Certification Office.

Nakatapos ng kursong cookery si Caballes sa TOP at malapit nang magpa-assess, habang na-promote naman si Flores sa trabaho dahil sa mga natutunang computer skill.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.