Utos na paghimay sa presyo ng petrolyo pinigil ng korte

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 04:12 PM

Pansamantalang ipinatitigil ng Makati Regional Trial Court (RTC) ang pagpapatupad sa utos ng Department of Energy sa mga kompanya ng langis na himayin ang presyuhan ng kanilang mga produkto. 

Ayon sa Philippine Institute of Petroleum, naglabas ang Makati RTC ng 20 araw na temporary restraining order (TRO) laban sa utos na unbundling ng DOE.

Ipatutupad sana ang utos sa Hulyo 4 pero naantala rin dahil, bukod sa TRO, uulitin ng DOE ang paglalathala ng fuel price unbundling circular. May nakalimutan kasi umanong isamang impormasyon sa naunang paglalathala.

Mariing tinututulan ng mga kompanya ng langis ang utos na unbundling dahil may mga impormasyon umanong hindi puwedeng malaman ng mga magkakakompetisyong kompanya.

Sinabi na ng DOE na para lang sa kanila at hindi ibabahagi sa publiko ang isusumiteng datos ng mga kompanya.

Nauna nang sinabi ni Energy Assistant Secretary Bodie Pulido na layon ng utos na unbundling na matiyak na tama ang presyo ng petrolyo. -- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.