Gastos sa pagtitipon na nakansela dahil sa COVID-19, maaaring mabawi- DTI

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 04:45 PM | Updated as of Jun 20 2020 05:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung gumastos ka para sa mga event gaya ng kasalan o conference na nakansela bigla dahil sa COVID-19 pandemic, maaaring ma-refund ang naibayad mo na, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Inilatag ng DTI ang ilang mga guideline para ma-refund ang pera na nagastos na sa mga event na hindi natuloy dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic nitong Sabado.

"Minarapat po natin, para naman po, in the spirit of bayanihan, mabalanse ang mga taong nagpareserba at ang mga negosyante," sinabi sa Teleradyo ni Marimel Porciuncula mula sa Consumer Protection and Advocacy Bureau ng DTI.

Ayon kay Porciuncula, nakasaad sa DTI Memorandum Circular No. 20-30 na maaari pang ma-refund ang naibayad na para sa mga event kung kanselado ito at tatapat sa pagsasailalim ng bansa sa state of public health emergency o kaya naman ng community quarantine.

Dagdag pa ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, kabilang sa mga event na ito ang mga birthday, anniversary, wedding, binyag, seminar, workshop, team building, at conference. Kasama sa mga serbisyo ang rental ng venue, bayad sa catering, at pag-arkila ng mga sasakyan at iba pang gamit. 

Aniya, saklaw nito ang mga event na may kontrata man o wala. 

"Kahit na may existing contract, depende na sa goodwill ng parties puwede nilang i-apply itong memorandum circular," aniya.

Sa ilalim ng guidelines, ang naibayad na ay maaaring consumable rin sa loob ng isang taon mula nang pagtanggal ng quarantine restrictions. 

Sa ilalim ng circular, ito ang mga hakbang na kailangang sundin ng mga customer at negosyante para sa refund:

  1.  Ang party na nagsagawa ng advance reservation o bayad ay dapat magbigay alam sa may-ari o kinatawan ng venue para sa desisyon nito na ikansela o i-scale down ang naka-schedule na event.
  2. Sa loob nang 5 araw, kinakailangang magbigay ng tugon ang may-ari o kinatawan at maghain ng mga puwedeng gawin at ang proseso nito.
  3. Sa loob nang 5 araw ng pagtanggap ng napagkasunduang gawin at proseso, kinakailangang magbigay ang may-ari o kinatawan ng kumpirmasyon. 
  4. Kinakailangang sundin ang pinagkasunduang oras na maibibigay ang refund. Kung wala naman ay dapat maibigay ito sa loob nang 30 araw.

Kung hindi ito nasunod ay maaari itong isangguni sa DTI Fair Trade Enforcement Bureau o ang regional o provincial na opisina ng ahensiya sa pamamagitan ng formal request.

Kinakailangan ng requesting party na magbigay ng kaukulang mga update sa ahensiya hinggil sa kaniyang concern.

Kung nahihirapan sa pagproseso ng refund, maaring magpadala ng email sa ask@dti.gov.ph.

Sa ilalim ng lockdown, pinagbabawal ang mga mass gathering upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Dagdag ni Castelo, nai-publish na ang naturang memorandum circular ngunit hindi pa niya tiyak kung may certificate na sa office of the national administrative registry.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.