P42,000 monthly budget, sapat ba sa isang pamilya?

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 10:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inulan ng batikos ang National Economic and Development Authority (NEDA) matapos maiulat na sinabi nitong sa halagang P10,000 ay mabubuhay na ang isang pamilyang may limang miyembro.

Pero nitong Biyernes ay mismong si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang naglinaw sa isyu at nagsabing "halimbawa" lamang ang naturang tantiya.

"Nililinaw ko po na hindi kailanman nabanggit ng NEDA na ito ay disenteng budget para sa isang pamilya... [Ito ay ginamit] bilang halimbawa upang ipakita ang epekto ng inflation rate (pagtaas ng presyo) para sa buwan ng Mayo 2018," sabi ni Pernia sa pahayag. 

Mas madali raw kasi na magkuwenta kung P10,000 ang gagamiting halimbawa, ani Pernia. 

Bago pa nito, sinabi na ni Pernia sa panayam ng ABS-CBN News na P42,000 ang estimate niyang kailangan ng pamilya ng lima, pero dapat daw ay dalawa ang nagtatrabaho na sumusuweldo ng tig-P21,000 kada buwan.

"Ang monthly kasi ng P250,000 is roughly P21,000. Ginamit kong example iyon kasi I wanted to show na marami nang nag-benefit from the TRAIN law. Kung dalawang workers, you double that," paliwanag ni Pernia.

'Di posible'
 
Pero ang tinderang si Joy Pineda, hindi pa rin kumbinsido sa bagong computation ni Pernia. 

"Paano naman ako, single parent, ako lahat ang gastos...Ang dami kong bayarin, may dalawa akong estudyante," aniya.

Si Angel Fernandez na nagtatrabaho sa isang casino habang ang asawa niya ay isang call center agent, pasok sa sinasabi ni Pernia.

Pero sabi ni Fernandez, hindi pa rin komportable ang buhay nila kahit lagpas P42,000 ang pinagsama nilang kita.

"Kung marami kang kasama sa bahay kagaya namin, hindi pa rin kasya 'yun. Madaming bayarin, sa eskuwela pa lang, ilaw, tubig, dami pa ring dapat bayaran," aniya. 

Kaya sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ang sagot talaga sa problema na ito ay ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa. 

"'Wag na kayong magpalusot...Ganu'n naman pala eh, P42,000 daw pero bakit ayaw payagan na magtaas ng suweldo ang mga mamamayan," ani Zarate.

Ayon naman sa NEDA, patuloy nilang isusulong ang mga programang mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga Pilipino. 

"Hindi natin binabalewala ang katotohanan na maraming Pilipino ang nagsisikap para sa kanilang mga pamilya. Kaisa ang NEDA ng mga pamilyang Pilipinong nagsisikap para sa mas maginhawang buhay," ani Pernia. 

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.