Lopez: ‘PM me’ online sellers puwede mahabol, makulong

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 06:10 PM

MAYNILA--Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na maaaring pagmultahin o makulong ang mga online seller na hindi naglalagay ng presyo sa mga produktong kanilang inilalako.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, hindi lamang DTI, kundi maging ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation ang pwedeng humabol sa kanila.

“Sana seryosohin nila dahil talagang puwede silang mahabla d’yan, mahabol at mamumultahan at may kulong din ’yan lalo na kung ’yung mga basic necessity and prime commodity, dahil ’pag diyan may product deception, magkakaroon ng malaking multa at may kulong,” sabi ni Lopez.

Sa isang briefing Sabado, ipinaliwanag ni Lopez na dapat nakasulat ang presyo ng produkto para agad makapili ang mga customer. Dapat din aniya na sumunod ang mga seller sa kung ano ang nakasaad sa ibinebenta nilang kalidad o specification ng produkto.

“Any form of deception sa mga consumer ay puwede silang mahabla, maireklamo dito sa hotline na 1384,” sabi ni Lopez.

Hinimok naman ng kalihim ang mga consumer na mag-ingat sa mga online sellers.

“Malaking tulong kung itong online na binibilihan natin nasa platform ng mga trusted platforms kasi naa-identify rin nila kung sino ’yung mga online sellers. Kung ’yung seller nasa isang platform para rin s’yang may pwestong matino, mas ’yung consumer, mas panatag ’yung loob na doon bumili kasi may traceability,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.