OFW remittances posibleng bumagsak dahil sa COVID-19 pandemic: eksperto

ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinangangambahan ng ekonomista na babagsak ang remittances ng mga overseas Filipino workers ngayong taon matapos mawalan ang iilan sa kanila ng trabaho at magbalik-Pinas dala ng COVID-19 pandemic. 

“We will see, I think this will be the first time in so many years, maybe in 20 years, we will see really a negative growth in remittances of OFWs,” ani Harris Jacildo, pangulo ng I-Remit. 

Una nang nagbabala ang World Bank na babagsak ang remittances sa buong mundo dahil sa coronavirus disease 2019. 

Base rin sa datos ng gobyerno, halos 30,000 OFWs na ang umuwi sa Pilipinas dahil nawalan ng trabaho.

Lumabas din sa chart ng ABS-CBN Data Analytics Team na bumagsak ang padala na pera ng OFWs pagkatapos ng Asian financial crisis noong 1999. 

Pero base naman sa chart ng BSP, kahit bagsak ang growth o paglago, pataas pa rin ang kabuuang padala ng mga OFW noong panahon na iyon. 

Iyon din ang nangyari noong global financial crisis noong 2009. 

Giit ni Central Bank Governor Benjamin Diokno, maaasahan pa rin ang karamihan ng mga OFW na tinatayang nasa 10 million. 

$30 bilyon umano ang pinadala nila sa Pilipinas noong 2019 at inaasahan niyang maaaring lumaki pa ito ngayong taon kahit may mga umuwi na dahil sa pandemic. 

“Overseas Filipino workers tend to send more money back home whenever there is a crisis, because they know their families back home need the money,” ani Diokno. 

— Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.