Excise tax sa TRAIN, pinasususpende ng ilang senador

ABS-CBN News

Posted at May 27 2018 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa mahal ng krudo, umaabot sa P1,600 ang ginagastos ng jeepney driver na si Domeng Sacobo sa diesel sa maghapong pamamasada.

Dati ay nasa P1,000 lang daw ang nagagastos niya rito.

"Dati kumikita kami ng maghapon na P500, ngayon kumikita na lang kami ng P300," ani Sacobo.

Ang taxi driver namang si Cesar De Leon, hinabaan na ang oras ng kaniyang pagbiyahe para lang maka-boundary.

"Sa halip na dalawang oras ang pahinga, isang oras, ngayon 30 minutes na lang," ani De Leon.

Maging ang pasaherong si Barry Bernardo, ikinagulat ang biglang pagtaas ng pasahe sa bus.

Pumalo na sa P80 ang ibinabayad niyang pasahe mula sa dating P65.

SUSPENDEHIN ANG PROBISYON

Dahil sa hinaing ng maraming Pilipino, lumakas ang panawagan ng mga mambabatas na suspendihin ang probisyon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagpapataw ng mas mataas na buwis sa langis.

Kamakailan ay naghain si Sen.Bam Aquino na panukalang batas na nagtutulak ng rollback sa excise tax.

Naniniwala si Aquino na dapat "planuhin muna" ang TRAIN Law, partikular ang excise tax, may epekto rin ito sa presyo ng mga bilihin bukod sa petrolyo.

"Sa tingin natin 'yon din naman 'yong nagdadagdag doon sa taas ng ibang presyo ng bilihin. Hindi lang po sa petroleum products pero may epekto 'yan sa iba pang mga produkto," sabi sa DZMM nitong Linggo ni Aquino.

Nauna nang sinabi ng Department of Finance na masususpende lang ang excise tax sa langis kapag umabot na sa US$80 per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil ito raw ang nakasaad sa batas.

MINIMUM WAGE

Dahil din sa pagtaas ng bilihin, nakatakdang maghain sa Lunes ang ilang mambabatas sa Kamara ng panukalang P750 national minimum wage para makatulong sa mga manggagawang labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin.

Sa kasalukuyang sistema, itinatakda ang minimum wage sa bawat rehiyon ng mga regional board. 

Ang pinakamataas ay sa Metro Manila na nasa P512 kada araw habang pinakamababa naman sa Ilocos Region na nasa P280 kada araw.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.