Baboy taas-presyo; bigas aangkatin sa pribadong supplier

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 05:58 PM | Updated as of May 17 2017 04:37 AM

Pumalo na sa P30 ang itinaas ng presyo kada kilo ng karneng baboy simula nitong Abril. Ang dating kalahating kilong kasim na nabibili ng P90, umaabot na hanggang P110 ang presyo ngayon. 

Wala naman daw magawa ang mga nagbebenta ng karneng baboy kundi ipasa sa mamimili ang taas presyo dahil mahal na rin nilang nabibili ang buhay na baboy.

Ayon sa Bureau of Animal Industry, tumaas ang presyo ng karne dahil mas kaunti ang supply ng baboy ngayon. Tinamaan kasi ng porcine epidemic diarrhea ang ibang mga baboy noong huling anim na buwan ng 2016 at namatay ang maraming biik. Iyong mga biik pa naman daw sana ang ibebenta sa merkado pagsapit ng Marso hanggang Hunyo ngayong taon.

Aprubado na ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng mahigit 7 milyong kilong karneng baboy para makadagdag sa supply. Pero, hanggang ngayon, walang gustong mag-angkat dahil sa mahal din ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Isinusulong naman ng isang grupo na muling bigyan ng mga inahing baboy ang mga nagsarang maliliit na piggery para mahikayat silang bumalik sa negosyo at matugunan ang demand sa karneng baboy.

Inaasahang bababa ang presyo ng karneng baboy sa Hulyo.

Samantala, nagdesisyon na ang National Food Authority (NFA) Council na mag-angkat ng bigas para matiyak ang supply nito sa merkado.

Ayon kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco, pang-walong araw lang ang buffer stock o reserbang bigas ng NFA gayong dapat 15 araw ang reserba nito. 

Mag-aangkat ang NFA mula sa private suppliers sa halip na direkta mula sa gobyerno ng ibang bansa. 

Iginiit ng NFA na walang rice shortage kaya walang dahilan para mag-panic-buying ng bigas. 

Ginawa ni Director Marietta Ablaza, spokesperson ng NFA, ang pahayag kasunod ng pag-apruba ng Malacañang na ituloy na ang importasyon. 

Ayon kay Ablaza, welcome development sa kanila ang naturang hakbang ng Malacañang. Importante kasi na may buffer stock ng bigas lalo't papalapit ang lean months mula Hunyo hanggang Setyembre. 
 

--Ulat nina Carolyn Bonquin at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.