Salary loan sa ilang branch ng SSS ipapasok sa cash cards

ABS-CBN News

Posted at May 09 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Oobligahin na ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na magbukas ng cash card account sa isang bangko kung nais nilang mag-salary loan sa ilang branch ng ahensiya. 

Sa ilalim ng bagong sistema, iwi-withdraw na at ipapasok sa cash card ang matatanggap na salary loan ng mga miyembro - sa halip na magbigay ng tseke ang SSS para ipa-encash sa bangko. 

Paliwanag ni Pedro Baoy, senior vice president ng Lending and Asset Management Group ng SSS, mas mabilis ang pagpoproseso ng loan sa pamamagitan ng bagong sistema, kung ikokompara sa mas mabagal na sistema sa paggamit ng tseke. 

Gumagastos daw ng P122 ang SSS sa kada pagpoproseso ng tsekeng para sa mga nagsa-salary loan, habang nasa P50 naman ang kanilang gastos sa paggamit ng ATM card. 

Aabot umano ng P11 milyon kada buwan o higit P130 milyon kada taon ang matitipid ng SSS sa bagong sistema, ayon kay Baoy. 

"'Pag tseke kasi ang mode of disbursement mga 3 days to a month, 'pag cash card, it will just take 3 days to 5 days," ani Baoy. 

Nasa 20 SSS branches ang nagre-require na magbukas ng cash card account sa bangko para makakuha ng salary loan, kabilang ang mga malalaking branch sa Diliman, Makati, Cebu, Iloilo, at Davao. 

Kinalaunan din daw ay idadagdag ang iba pang mga branch. 

Pabor naman dito ang madalas na nagsa-salary loan na si Arnold Calamiong. 

"Ngayon, magte-text ang SSS na may loan na. Anytime puwede ka nang mag-withdraw," aniya. 

Pero ikinagulat ito ng isa pang miyembrong si Erickson Mateo, na hindi nabalitaan ang bagong proseso. 

"'Di ko rin kasi alam na ganoon na pala ang process ngayon. Dapat sinasabi sa news 'yung ganiyang pagbabago," aniya. 

Sa ngayon, ang bangkong UnionBank pa lang ang puwede sa bagong sistema ng SSS dahil tugma ang computer system ng bangko sa pangangailangan ng ahensiya. 

"We will talk to other banks kung saan may mga bank accounts ang mga members at doon na namin ide-deposit," ani Baoy. 

Noong 2018, mahigit P30 bilyon ang napautang na salary loan ng SSS sa 1.8 milyon nilang miyembro. Aabot lang sa 9.22 porsiyento rito o higit 166,000 ang napautang sa pamamagitan ng cash card. 

Pero dahil sa bagong patakaran, inaasahang makukuha na sa ATM card ang mayorya ng mga SSS salary loan. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.