Pagbagal ng inflation, maaaring hudyat ng pagbaba ng interes sa utang

ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 10:18 AM

Patuloy na bumagal nitong Abril ang inflation o ang bilis ng taas-presyo sa mga pangunahing bilihin, na maaaring hudyat para babaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang interest sa mga utang, ayon sa mga analyst

Naitala ang inflation sa 3 porsiyento, kumpara sa 3.3 porsiyento noong Marso. Ito na ang pang-anim na sunod na buwan na bumagal ito at pangatlong sunod na buwan kung saan pasok ito sa target ng BSP na 2 to 4 porsiyento.

Noong 2018, tinaas ng BSP ang overnight borrowing rate na ginagamit ng mga bangko na basehan ng interes sa ibat-ibang uri ng utang mula pabahay hanggang credit card. Ginawa ito para mapabagal ang inflation na noon ay lumampas sa target.

Ngunit sa pagbalik ng inflation sa target ng BSP, maaari nitong bawiin ang sunod-sunod na pagtaas sa overnight borrowing rate simula sa Huwebes, kung saan magpupulong ang Monetary Board.

Ang 3 porsiyentong inflation noong Abril na rin ang pinakamabagal magmula noong Enero 2018, nang taasan ang buwis sa langis at softdrinks sa ilalim ng TRAIN o tax reform.

Ayon sa PSA, bumagal noong Abril ang taas-presyo sa pagkain, transportasyon, tabako, kuryente, alcoholic at non-alcoholic beverages. 

Naitala ang pinakamabagal na inflation sa Central Visayas, na nasa 1.3 porsiyento. Pinakamabilis naman sa Mimaropa sa 4.6 porsiyento. 

-- May ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.