Meralco may bawas-singil sa Mayo

ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 11:00 AM | Updated as of May 07 2019 08:01 PM

(UPDATE) Nag-abiso ang Manila Electric Company (Meralco) nitong Martes na magkakaroon ng bawas-singil sa kuryente sa bill ngayong Mayo.

Mababawasan ng 0.34 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa bill. Katumbas ito ng P55 na bawas sa mga kabahayang may buwanang konsumo na 200 kWh, P82 sa 300 kWh, P110 sa 400 kWh, at P136 sa 500 kWh.

Naunang inasahan na magmamahal ang singil sa kuryente dahil sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa spot market kasunod ng red at yellow alerts o pagnipis ng suplay ng kuryente sa Luzon grid. 

Pero ayon sa Meralco, kahit nagmahal ng higit P3 ang presyo sa spot market, nagmura naman ang presyo galing sa mga kakontratang planta bunsod ng paglakas ng piso at pagbaba ng presyo ng langis.

Sinabi naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na maaaring lumobo ang bayarin sa kuryente ng ibang kostumer lalo kung lumakas ang konsumo.

Samantala, sinabi rin ng Meralco na susunod sila sa iuutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema na dapat dumaan sa tinatawag na "competitive selection process" ang pagkontrata ng suplay ng kuryente.

Ipinatawag na ng ERC ang Meralco para pag-usapan ang isyu, ani Larry Fernandez, head ng utility economics sa Meralco.

Isa sa 7 kontrata ang gumagana na kaya kailangan ng direktiba galing sa ERC.

Iginiit naman ng grupong Bagong Alyansang Makabayan na hindi dapat gamitin ang pagnipis at pagkulang ng suplay ng kuryente para pumasok ang Meralco sa mga kontratang dehado ang mga konsumer.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.