Konstruksiyon ng LRT-1 extension pa-Cavite umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 05:05 PM | Updated as of May 08 2019 01:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inumpisahan ngayong Martes ang pagtatayo ng LRT-1 extension project, na magdudugtong sa Metro Manila at Bacoor, Cavite.

Umarangkada ang konstruksiyon 5 taon matapos maibigay sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang proyekto, na nagkakahalagang P64.9 bilyon.

Dahil sa extension, na may habang 21 kilometro, madadagdagan ng 8 istasyon ang LRT-1: Redemptorist, MIA, Asia World, Ninoy Aquino, Dr. Santos, Las Piñas, Zapote, at Niog.

Kapag natapos, magiging kalahating oras mula isang oras na lang ang biyahe mula Cavite hanggang Baclaran.

Bubuksan sa publiko ang 5 sa 8 istasyon bago matapos ang 2021 habang 2022 inaasahang mabubuo ang extension project. 

Bukod sa isyu ng right of way, ilan pa sa nagpatagal sa proyekto ang paghahanap ng depot, paglilipat ng ilang mga poste ng kuryente, at ang nabitin na pagdating ng gagamiting mga tren para sa extension project. 

Kasabay ng pagsimula ng aktuwal na konstrusiyon, ipinakita rin ngayong Martes ang sample ng gagamiting tren na gawa sa Spain at pinondohan ng Japan International Cooperation Agency sa halagang P12 milyon.

Kayang magsakay ng mga bagong tren ng 1,300 pasahero pero kailangan ding magdagdag ng tren ng LRT-1 dahil ang mga tren mula Spain ay eksklusibong gagamitin para sa Cavite extension.

Magsisimulang dumating ang 30 train sets simula Hulyo 2020 hanggang 2022.

May gagamitin ding teknolohiya para maibsan ang posibleng pagsikip ng trapiko na maidudulot ng konstruksiyon, ayon kay LRMC president Juan Alfonso.

Sa kabila ng proyekto at dagdag na serbisyo, wala pang desisyon kung magtataas ng pasahe sa LRT-1.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.