'Dagdag-singil dahil sa red, yellow alerts, di dapat ipasa sa konsumer'

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang grupo ang nanawagan sa gobyerno na huwag ipasa sa mga konsumer ang dagdag-singil sa kuryente bunsod ng serye ng power alerts o kakulangan ng suplay ng kuryente sa Luzon grid.

Nagbabadya ang dagdag-singil sa kuryente dahil sa sunod-sunod na pagsasailalim ng Luzon grid sa yellow at red alert noong nakaraang buwan, ayon sa isang opisyal ng Manila Electric Company (Meralco).

Kapag manipis o kapos ang suplay ng kuryente, sumisipa ang presyo nito sa spot market, na isa sa pinagkukuhanan ng mga kooperatiba at utility gaya ng Meralco.

Ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), dapat brasuhin ng gobyerno ang mga planta para hindi maipasa sa mga konsumer ang dagdag-singil dahil wala naman silang kasalanan.

"Hangga't ang policy natin ay automatic pass-on, walang insentibo para ayusin ang problema kasi alam nila at any time magkaproblema, pasa lang nang pasa sa mga consumers," ani Bayan Secretary General Renato Reyes.

Dapat namang ipako ang presyo sa spot market bago magkaroon ng yellow o red alert, ayon sa Laban Konsyumer.

"Hindi 'yan dapat ipasa sa consumer," ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

"Ang pamahalaan ay maaaring bantayan ang any price spikes dulot nitong mga inefficiencies na ito," ani Dimagiba.

Pinaplantsa na ng Department of Energy ang bagong patakaran na ang mga plantang nagdulot ng pagtaas ng presyo ang magbayad at hindi konsumer.

Pero dahil hindi pa tapos ang pag-aaral, asahan nang konsumer pa rin ang sapul sa ano mang pagtaas ng singil dulot ng mga nakaraang alerto.

Labingwalong beses nagkaroon ng yellow at red alert sa Luzon grid nitong Abril.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.