Kita ng LTO, umabot sa P22.2 bilyon noong 2016

Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2017 12:32 AM

MANILA – Sa selebrasyon ng ika-105 na anibersaryo ng Land Transportation Office (LTO) sa central office nito sa Quezon City, inilatag ng ahensya ang mga tagumpay nito noong nakaraang taon, sa ilalim ng panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay LTO chairperson Asec. Edgar Galvante, kabilang dito ang pagbubukas ng karagdagang driver's license renewal offices sa mga probinsya, at pag-isyu ng mga lisensya na may 5-year validity, simula noong Oktubre.

Nakapagtala rin ang LTO ng P22.2 bilyon na revenue noong 2016, o mas mataas ng P1 bilyon sa target nito para sa naturang taon.

Noong 2016, umabot sa 9.3 million ang nairehistrong mga sasakyan.

Sa bilang na 5.8 milyon, mas mataas din noong 2016 kumpara sa dalawang naunang taon (5.6 milyon noong 2015, at 5.1 milyon noong 2014) ang naisyu na driver’s license at driver’s permits ng ahensya.

Samantala ayon pa kay Galvante, umabot sa P971.1 milyon ang nakolektang multa ng ahensya, at umabot sa 588,676 ang nahuling drivers noong 2016.

Sa kampanya nito kontra-korapsyon, nagbaba ang LTO ng disciplinary actions sa 40 empleyado, nagpatalsik ng 9, at nag-suspinde ng 6. Nagbaba rin ng mga memorandum ang ahensya sa mga empleyado nito tungkol sa mga polisiyang nagbabawal sa pagtanggap ng mga regalo (No Gift Policy), at sa paggamit ng mga kuneksyon upang mapabilis ang proseso ng mga aplikasyon (No SOP Policy).

Ayon kay Galvante, pinaigting din ng LTO sa tulong ng mga pulis at National Bureau of Investigation ang laban kontra sa fixers, at pagkalat ng mga pekeng lisensya.

Updated na rin umano ang LTO website para mas mabilis at mas malinaw na makuha ng publiko ang impormasyon na kanilang kailangan tungkol sa mga aplikasyon para sa driver's license at iba pa. Dinagdagan din ang public assistance and complaints desk sa mga tanggapan ng LTO.

Sinabi rin ni Galvante na patuloy ang pagpapatupad ng LTO ng iba't ibang seminars tungkol sa road safety, tulad ng Para sa Super Tsuper Project, Traffic Safety Seminar para sa mga nahuling driver, anti-drunk driving seminar para sa LTO enforcers, at road safety seminar para sa Highway Patrol Group at Metropolitan Manila Development Authority.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.