Gulay may taas-presyo sa ilang pamilihan sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 05:52 PM | Updated as of Apr 24 2019 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, tumaas ng P80 ang kada kilo ng kalamansi o P140 mula sa dating P60.

Nasa P70 naman ang iminahal ng kada kilo ng cauliflower o P150 mula P80.

Nagmahal ng P40 ang Baguio beans (P120 mula P80), broccoli (P180 mula P140), at luya (P120 mula P80).

Nasa P20 naman ang itinaas ng repolyo (P80 mula P60), carrots (P80 mula P60), at bawang (P100 mula P80).

PINAGPAPALIWANAG

Samantala, pinagpapaliwanag naman ng Department of Trade and Industry (DTI) at Sugar Regulatory Administration ang mga supermarket sa Dapitan, Quezon City na nagbebenta ng mahal na asukal at manok.

"Papadalhan muna sila ng notice of violation... pero mayroon iyang kaukulang fines and imprisonment 'pag di sila sumusunod," ani Trade Assistant Secretary Claire Cabochan.

Nasa P150 ang kada kilo ng manok, malayo sa P128 na suggested retail price, base sa pag-iikot ng DTI sa Suki Market at mga supermarket sa Dapitan.

Lagpas din sa prevailing price na P50 ang presyo ng asukal sa mga nasabing pamilihan.

Maghihigpit naman ang DTI sa pagbabantay ng presyo ng mga bilihin sa Pampanga dahil sa price freeze na ipinatupad doon kasunod ng deklarasyon ng state of calamity.

Sa ilalim ng price freeze, dapat walang paggalaw sa presyo sa loob ng 60 araw matapos ang lindol.

Ang Pampanga ang isa sa mga pinakaapektadong lugar ng magnitude 6.1 lindol na yumanig sa iba-ibang bahagi ng Luzon noong hapon ng Lunes.

Naitala ang sentro ng nasabing lindol sa bayan ng Castillejos, Zambales, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.