Inflation, patuloy na bumagal nitong Marso

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 03:12 PM | Updated as of Apr 05 2019 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumagal nitong Marso ang inflation, o ang antas ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, sa ikalimang sunod na buwan.

Pumalo ang inflation sa 3.3 porsiyento, mas mabagal kung ikukumpara sa 3.8 porsiyento noong Pebrero. Dahil ito sa mas mababang inflation sa pagkain, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Ayon sa PSA, malaki ang naiambag ng presyo ng isda at gulay sa patuloy na pagbagal ng inflation nitong Marso. 

"'Pag summer marami tayong vegetable production, produced di ba," ani Civil Register General Lisa Grace Bersales. 

"Then alam ko 'yung isda, nag-contribute sa lower inflation rate eh, so ibig sabihin meron tayong enough supply," dagdag niya. 

Ang Zamboanga Peninsula ang nagtala ng pinakamabagal na inflation sa 2 porsiyento. Pinakamabilis sa buong bansa ang inflation sa Mimaropa na nasa 4.8 porsiyento.

MALACANANG IKINALUGOD

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nararamdaman na ngayon ang resulta ng mga hakbang ng gobyerno para pababain ang presyo ng mga bilihin. 

Kabilang na raw dito ang paglabas ng Administrative Order 13 na nagpadali sa proseso ng pag-aangkat ng produktong agrikultura.

Mayroon ring inisyu na tatlong memorandum order para pigilan ang pagtaas ng presyo ng pagkain.

Tiwala naman ang Malacanang na mas babagal pa ang inflation sa kabuuan ng taon kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Rice Tariffication Law na inaasahang magpapadami sa suplay ng bigas. 

Bagaman ikinatuwa naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagbagal ng inflation, may posibilidad pa ring bumilis ang pagtaas ng presyo kung magiging mas matindi ang epekto ng El Niño at patuloy na tumaas ang presyo ng krudo. 

'DI SAPAT' 

Giit naman ng grupong Bayan Muna na hindi ramdam ng mahihirap ang epekto ng inflation sapagkat tumataas pa raw ang presyo ng mga pangunahing bilihin, gaya ng langis. 

"The rate of price increases now may have been slowing down, but, the sad fact is the prices of goods are still spiking," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa isang pahayag. 

Hindi maikakaila ang naging epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa mahihirap, ayon sa senatorial candidate na si Neri Colmenares. 

Kahit na paano pa ikutin ng economic team ng Malacañang ang paliwanag, hindi umano maitatago na naapektuhan ang mga mamamayan ng TRAIN law, aniya. -- May ulat nina Joyce Balancio at Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.