Ilan pang basic goods nilagyan ng buying limit

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 04:24 PM | Updated as of Apr 03 2020 06:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinagdagan ng Department of Trade and Industry ang listahan ng mga pangunahing bilihin na may limit ang puwedeng bilhin sa mga supermarket.

Ayon sa DTI, ito ang mga nadagdag na basic goods at kung gaano karaming piraso lang ang puwedeng bilhin:

  • Disinfectant wipes - 4 containers o pack
  • Sabong panlaba - 2 bundle (sachet), 2 box, o 2 bareta
  • Toothpaste - 4 tube
  • Mouthwash - 4 bote
  • Canned pork - 10 cans
  • Canned beef - 10 cans
  • Cooking oil - 4 bote o pakete
  • Panimpla (condiments) - 2 bote o pakete
  • Dried fish - 6 pakete

Nilimitahan din ng DTI sa 10 piraso ang dami na puwedeng mabiling de-latang sardinas.

Nauna nang naglagay ang DTI ng limitasyon sa dami ng nabibiling alcohol, instant noodles, toilet paper, kape, gatas, at tinapay sa mga grocery.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi ibig sabihin na kulang ang supply kaya nililimitahan ang puwedeng bilhin.

Isa raw itong hakbang para maiwasan ang hoarding at mabigyan ang lahat ng konsumer ng tsansa na mabili ang gusto nilang produkto.

Hindi pa rin kasi 100 porsiyentong nakabalik ang manufacturing sector dahil sa enhanced community quarantine, na ipinatupad sa buong Luzon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon naman kay Trade Secretary Ramon Lopez, tuloy-tuloy lang ang produksiyon ng alcohol pero sobrang laki ng demand o pangangailangan para rito.

May face masks na rin sa ilang supermarket na ibinebenta sa halagang P27 kada piraso.

Sa South Star Drug naman, may supply na rin ng surgical mask, na mabibili sa halagang P28 kada piraso.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.