Ilan pang kompanya nag-abiso ng bawas-presyo sa petrolyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 12:39 PM | Updated as of Apr 01 2019 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Ilan pang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo nitong Lunes ng kaunting bawas-presyo sa kanilang produkto, na ipatutupad sa Martes, Abril 2.

Ayon sa PTT Philippines, SEAOIL, TOTAL, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, Flying V, Unioil, Caltex, at Petron, babawasan nila ng P0.30 ang kada litro ng kanilang diesel at P0.10 ang kada litro ng kanilang gasolina. 

Babawasan din ng SEAOIL, Flying V, Caltex, at Petron ng P0.20 ang kada litro ng kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo alas-6 ng umaga maliban sa SEAOIL, Caltex, Eastern Petroleum na magpapatupad alas-12:01 ng hatinggabi.

Nauna nang mag-anunsiyo noong Linggo ang Petro Gazz at Shell ng P0.30 bawas-presyo sa diesel, P0.10 bawas-presyo sa gasolina at P0.20 bawas-presyo sa kerosene.

Ayon naman sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nakakainsulto ang bawas-presyo, at dapat tanggalin na lang ang buwis sa langis at ibasura ang oil deregulation law.

"Lubhang maliit at nakakainsulto ang ilang sentimong rollback sa presyo ngayon," sabi ng Bayan sa pahayag.

"Muli kaming nananawagan na tanggalin na ang excise tax sa langis at ibasura ang deregulation na parehong pahirap sa bayan," dagdag ng grupo.

Mula Enero 1 hanggang Abril, umabot na sa P8.89 ang kabuuang iminahal ng kada litro ng gasolina, P6.69 sa diesel, at P4.47 sa kerosene.

PRESYO NG LPG

Pero kung tatapyasan man ang presyo ng petrolyo, tumaas naman nitong Lunes, Abril 1, ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).

Nasa P1.25 ang taas-presyo ng Petron sa kada kilogramo ng LPG at P0.70 sa kada litro ng auto-LPG.

Tinaasan naman ng Solane ng P1.14 ang kada kilogramo ng kanilang LPG.

YELLOW ALERT

Samantala, apat na oras nag-yellow alert sa Luzon grid nitong Lunes dahil sa manipis na reserbang kuryente kasunod ng pagpalya ng Masinloc Power Plant sa Zambales.

Marami pang planta ang hindi rin gumagana habang iyong iba naman ay bawas ang produksiyon ng kuryente.

Ayon kay Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella, dapat maging masinop ang mga konsumer sa paggamit ng kuryente.

"Are we in danger? If we are not aware kung ano ang magiging cost ng behavior natin sa paggamit ng appliances, yes, we will be in danger," aniya.

Hindi man mauwi sa brownout, puwede namang magkaroon ng pagmahal sa singil sa kuryente. 

"Historically kasi 'pag nagkakaroon talaga ng pronouncements na ganyan, ang movement sa spot market, usually ay nagkakaroon ng pressure to go up," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Sa datos ng Meralco, unti-unti nang lumalakas ang konsumo sa kuryente. Nasa 10,180 megawatts ang pinakamataas noong Marso 21 pero inaasahang lolobo pa ang konsumo habang patindi ang init ng panahon.-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.