Food shortage nagbabadya dahil sa 'panggigipit' sa lockdown checkpoints: grupo

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 06:29 PM | Updated as of Mar 31 2020 09:40 PM

MAYNILA — Nagbabala ng matagalan at malawakang kakulangan sa suplay ng pagkain ang malalaking grupo dahil sa patuloy na panggigipit umano sa mga kargamento sa checkpoints na inilatag ng mga lokalidad sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Dahil dito, hindi na umano maibenta ang mga gulay mula probinsya at hindi makapasok sa iba't ibang lugar ang mga karne, manok, at isda.

"Ang mga municipality gusto nilang i-check 'yung mga driver dapat daw eh may permit galing sa kanilang munisipyo, hindi naman nabanggit noon 'yan," ani Rosendo So chairman ng Samahan ng Industriyang Agrikultura (SINAG).

Maging ang United Broiler Raisers Association (UBRA), sinasabing nalulugi nang P30 hanggang P40 kada kilo ang kanilang mga miyembro dahil sa epekto ng lockdown.

"Matawag na akong alarmist pero ayokong masisi sa dakong paroon na pag walang manok eh kami pa rin ang sisisihin," sabi ni Elias Inciong, presidente ng UBRA.

Sumulat din ang Philippine Association of Meat Processors, Inc. sa Department of Trade and Industry na magkakaproblema sa suplay ng processed meat at canned goods pagdating ng Abril kapag patuloy na hindi pinapalusot ang kanilang raw ingredients at packaging materials sa mga checkpoint.

Banta ng mga grupo, hindi man dapuan ng COVID-19 pero gutom naman ang aabutin ng mga Pilipino kapag nagkaroon ng food shortage. 

"We’re anticipating shortage because if people will stop planting and di na sila mag-alaga ng manok, baboy at isda, ano ang kakainin natin sa third and fourth quarter? Gusto man nilang mag-produce, gusto man nilang magtanim, saan nila dadalhin?" ani Danilo Fausto, presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc.

Posible rin daw magkaroon ng artipisyal na price increase dahil sa epekto ng hindi pagpapalusot sa mga kargamento. 

"Magkakaroon ng artificial increase of prices doon sa mga lugar," ani So.

Mismong si Department of Agriculture Secretary William Dar ang nakikiusap sa mga ahensiyang namumuno sa checkpoints na palusutin ang mga kargamento.

"Ako ay worried kung palagi na lang ganito ang sitwasyon na na-che-checkpoint diyan sa mga barangay sa mga munisipyo," ani Dar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.