Paghulog ng mas malaking kontribusyon sa Pag-IBIG hinimok

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 10:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibang mag-isip ang 25 anyos na si Gregory Paul Santiago.

Sa edad na 25 at may regular na trabaho, hindi kontento si Santiago sa P100 na kaltas sa Pag-IBIG Fund kaya ginawa niya itong P1,000 kada buwan.

"You save money and then in the near future, makukuha mo naman iyon," ani Santiago.

Tama ang diskarte ni Santiago, ayon kay Pag-IBIG President Acmad Moti.

Ipon kasi ang hulog sa Pag-IBIG na makukuha pag-retire kasama ang interes. Ang tubo o dibidendo noong 2018 ay nasa 6.91 porsiyento.

"Kung mas malaki ang inihuhulog nila o iyong pag-iimpok nila ay mas malaki sa 100... Kapag nangailangan sila, mas malaki rin iyong puwede nilang mahiram," ani Moti.

Kaya ang ibang miyembro ng Pag-IBIG ay nagkusa na ring lakihan ang kontribusyon para mas malaki ang mauutang.

Umakyat ng mga 11 porsiyento ang kabuuang hulog ng lahat ng miyembro ng Pag-IBIG Fund noong 2018, o P40.27 bilyon noong 2018 mula P36.27 bilyon noong 2017.

Higit 200 porsiyento naman ang itinaas ng lahat ng naipon ng mga miyembrong kasali sa Modified Pag-IBIG II (MP2) Program. Katumbas ito ng P4.5 bilyon sa 2018 mula P1.3 bilyon sa 2017.

Sa ilalim ng nasabing MP2 Program, walang limit ang puwedeng ipunin subalit nakatali ito sa loob ng 5 taon pero puwedeng kuhanin ang taunang dibidendo.

Nasa 7.41 porsiyento ang tubo ngayong taon sa MP2 Program.

Dahil dito, ipinasok agad ng overseas Filipino worker na si Jazz Blanco ang ipon sa MP2 Program.

"Kasi kaysa natutulog 'yong pera sa bangko tapos I found out mas mataas 'yong yield niya, eh di 'lipat ko na lang," ani Blanco.

Wala ring tax o tubo sa MP2 program at puwedeng iba-iba ang account depende sa pangangailangan.

"Halimbawa, kung 5 years from now, may planong dumalaw sa kamag-anak sa Europe, puwede niyang umpisahan ngayon. Halimbawa kung may iba pa siyang gusto paggastusan puwede pang mag-create ng isa pa," ani Moti.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.