Dept of Agri, humingi ng P1-B dagdag sa budget dahil sa COVID-19

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2020 09:42 PM

MAYNILA - Humiling ng isang bilyong pisong supplemental budget ang Department of Agriculture upang matugunan ang mga pangangailangan nito sa harap ng COVID-19 pandemic, partikular para sa food security at presyo ng mga pagkain.

Sa isang liham kay Executive Secretary Salvador Medialdea, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na bagaman may support system ang DA, kailangan ng karagdagang pondo upang masigurong tuloy-tuloy ang implementasyon ng mga programa, lalo na sa mga lugar na apektado ng enhanced community quarantine.

Ayon sa kalihim, may quick response fund ang DA pero proactive ang kanilang tugon sa sitwasyon upang masiguro ang production, processing, packaging at delivery ng basic food commodities.

Sakaling maaprubahan, gagamitin ang karagdagang pondo sa pagpapaigting ng "Kadiwa ni Ani at Kita" project, kung saan puwedeng makabili ng produktong agrikultura sa murang halaga.

May laan ding pondo para sa pagpapaigting ng urban agriculture, pagpapatupad at pagbabantay ng suggested retail price at para sa frontline agriculture workers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.