Iniaalok na pagpapaganda ng NAIA, inilantad ng 'super consortium'

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 11:37 PM | Updated as of Dec 12 2018 11:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kada taon ay lumolobo ng 10 porsiyento ang bilang ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahit lagpas na ito sa kapasidad ng paliparan.

Dahil sa umano'y kagustuhang pagandahin ang paliparan, nagsama-sama ang pitong naglalakihang kompanya bilang NAIA "super consortium."

Binubuo ang "super consortium" ng mga kompanyang Aboitiz InfraCapital, AC Infrastructure Holdings Corporation, Alliance Global Group, Asia's Emerging Dragon Corporation, Filinvest Development Corporation, JG Summit Holdings, at Metro Pacific Investments Corporation.

Ang kanilang proposal ay unsolicited o kusang loob nilang ibinigay at hindi hinihingi ng pamahalaan. 

Kapag inaprubahan ng gobyerno, target nilang itaas ang kapasidad ng NAIA complex sa 47 milyong pasahero kada taon hanggang 2020, mula sa kasalukuyang 31 milyon. 

Pagdating ng 2022 ay nais nilang iangat pa ito sa 65 milyong pasahero kada taon.

"Dadating tayo sa point na 60 million na ang dadaan do'n tapos 31 million pa rin [ang capacity]... Kailangan may gawin tayo sa lalong madaling panahon," giit ni Jose Miguel Reverente, tagapagsalita ng consortium.

Palalawakin din nila ang terminals 1,2 at 3, na mula sa 364,000 square meters ay magiging 623,000 square meters.

Isasama sa disensyo na magkaroon ng mas malawak na espasyo ang check-in counters, baggage claiming area, at maging ang pagkakaroon ng lugar para sa mga sumasalubong at naghahatid ng pasahero.

Plano rin ng consortium na magtayo ng people mover o parang tren na sasakyan ng mga pasahero papuntang terminal 1 hanggang 3 para hindi na raw kailangan lumabas ng complex kapag may connecting flight.

Dahil sa ambisyosong plano, posibleng magkaroon naman ng dagdag na passenger service charge.

"We will not overbuild. Passenger service are highly regulated so hindi naman puwede tumaas bigla ang service charges," ani Reverente.

Idudugtong din daw ang airport sa LRT-1 at sa iminumungkahing Metro Manila Subway.

Pero bago matuloy ang mga ito, kailangan munang maibigay ng Transportation Department ang "original proponent status" sa NAIA consortium, at matapos iyon ay dadaan pa ang proposal sa National Economic and Development Authority (NEDA).

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.