Paniningil para sa mga nais ng paper bill, bawal nga ba?

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 08:03 PM | Updated as of Mar 21 2018 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginagawa na ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga patakaran kaugnay sa paniningil ng mga telco ng bayad kapag gusto ng konsumer ng papel na bill kaysa electronic.

Pero ngayon pa lang, sinabi na nilang kokontrahin nila ang paniningil kapag paper bill ang gusto ng konsumer.

"Pag nag-revert ka dun sa paper billing, wala dapat charge kase it should be part of the service," ani DTI Undersecretary Ruth Castelo. 

Isa sa mga pangunahing tumututol sa paniningil ay si Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.

"Hindi 'yung amount ang involved dito, it's the legality that is the issue," giit ni Dimagiba.

Opsiyon lamang sa Smart at Sun subscribers ang paperless billing at libre pa rin ang paper bill.

Samantala, ang Globe ay mayroong singil na P50 pero exempted umano dito ang mga senior citizen, persons with disability, at mga taong walang email. 

Depensa ng Globe, sagot ang e-billing nila sa problema ng naaantalang delivery ng mga billing statement.

Napagkasunduan naman ng dalawang ahensiya na lahat ng consumer complaint gaya ng nawawalang load at pagbebenta ng number sa mga telemarketer ay idudulog na sa National Telecommunications Commission (NTC).
    
"Sila na ang magpoproseso niyan at sila na ang kakausap sa telcos pagdating sa mga ganitong problema," ayon kay DICT Assistant Secretary Carlos Caliwara.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.