Taas-presyo sa sardinas, noodles, inihirit

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 05:35 PM | Updated as of Mar 12 2019 08:40 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATED) Humirit ng taas-presyo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga manufacturer ng ilang pangunahing bilihin.

Ayon sa DTI, P1.35 hanggang P1.65 ang hirit na taas-presyo ng sardine brand na Rose Bowl sa kada lata ng kanilang sardinas, at P1.40 hanggang P1.70 taas-presyo kada lata naman sa sardine brand na Saba.

Humirit naman ang Lucky Me ng P0.46 taas-presyo sa kada pakete ng kanilang instant noodles habang P0.20 kada pakete naman ang hirit ng Payless. 

Naglalaro naman sa P2 hanggang P7 ang hirit ng 5 Star Candle na taas-presyo sa kada piraso ng kandila.

Tumaas kasi umano ang raw materials sa paggawa ng kandila at instant noodles habang nagmahal naman ang kuha ng isdang tamban na ginagamit sa paggawa ng sardinas. 

Ayon naman kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, posibleng kada quarter o kada 3 buwan na lang magpapatupad ang DTI ng taas-presyo.

"Gusto sana natin every quarter na lang para hindi masyadong mabigat for the consumer 'yong pagtaas ng presyo, maya't maya gumagalaw," ani Castelo.

"Tingnan natin kung may urgency ba," ani Castelo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.