Kakulangan sa suplay ng tubig di mangyayari sa kuryente: DOE

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng opisyal mula sa Department of Energy (DOE) na hindi magkukulang ang suplay ng kuryente tulad ng nangyayari ngayon sa suplay ng tubig.

Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, kampante ang DOE na sapat ang suplay ng kuryente sa Luzon sa tag-init.

"Hindi mangyayari 'yong krisis na sinasabi natin na kaparehas ng pangyayari sa, for example, sa ibang utilities. Dahil sa monitoring natin, sapat ang ating suplay," ani Fuentebella.

Iniimbestigahan na rin daw ng DOE kung may kuntsabahan ang sabay-sabay na pagpalya ng mga planta noong nakaraang linggo, dahilan para itaas ang yellow alert o pagnipis ng reserbang kuryente sa Luzon.

Ayon kay Fuentebella, pinagsabihan din ng DOE ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Meralco na huwag nang ianunsiyo kung may yellow alert o pagnipis ng reserba dahil nakakaapekto raw ito sa presyo ng kuryente sa spot market.

"'Yong insider trading, 'yan ang binabantayan natin," ani Fuentebella.

BAWAS-SINGIL SA KURYENTE NAGBABADYA

Samantala, may nagbabadya namang bawas-singil sa kuryente dahil sa tapyas na isinusulong ng National Transmission Corporation (TransCo).

Naghain ang TransCo sa Energy Regulatory Commission (ERC) para bawasan ang feed-in-tariff allowance, na ipinambabayad sa mga developer ng renewable energy gaya ng solar. 

Mula sa hirit na P0.27 ngayong taon, ibinababa ito ng TransCo sa P0.24 kada kilowatt hour o bawas na P0.03. 

"It will translate to about P60 siguro... 'Yong mga maliliit nating tao, it will translate to isang kilong bigas siguro, isang latang sardinas," ani TransCo President Melvin Matibag.

Puwede itong sumabay sa "Murang Kuryente" bill na magtatanggal naman sa binabayaran ng lahat ng utang ng National Power Corporation gamit ang Malampaya fund.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.