Saudi Arabia, Japan nangangailangan ng Pinoy nurses, care workers

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 06:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labingapat na taon nang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang nurse na si Juvy Cabrera.

Para sa kaniya, maganda ang oportunidad ng mga tulad niyang nurse sa ibang bansa dahil sa magandang pasahod.

"Sa abroad, kaagad ano, malaki kaagad 'yong sahod mo," ani Cabrera. "Mga triple siguro."

Nangangailangan ngayon ang mga bansang Saudi Arabia at Japan ng mga Pinoy health workers.

Sa Saudi Arabia, kailangan ng 500 babaeng nurses.

Nasa P57,000 kada buwan ang alok na sahod at kinakailangan lang ng isang taong working experience.

Limampung Pinoy nurses at 300 care workers naman ang hinahanap ng Japan.

Para sa care workers, dapat may NC II certificate mula Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kung hindi nagtapos ng nursing.

Sa mga nurse naman, kailangan ng 3 taong karanasan at dapat maipasa ang national licensure exam ng Japan.

Dapat desidido rin ang mapipiling aplikante na sumailalim sa isang taong "live in" Nihongo language training sa Pilipinas at sa Japan.

"While undergoing 'yong training, mayroon silang matatanggap na allowance," ani Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia.

Aabot sa P50,000 hanggang P92,000 kada buwan ang sahod para sa mga nurse, at P40,000 hanggang P60,000 kada buwan sa care workers.

"Three years 'yong initial na employment period but once maipasa mo 'yong national licensure, depende sa employer mo, you can renew your employment period every now and then," ani Olalia.

Unang batch pa lang ito ng pagkuha ng health workers sa Japan ngayong taon, ayon sa POEA.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.