Singil ng Meralco sa Marso, tataas ng P0.85/kWh

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 06:29 PM | Updated as of Nov 13 2018 09:51 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Asahan na ang pagtaas sa singil ng Meralco ngayong Marso kasabay ng lalong pag-init ng lagay ng panahon.

Sa opisyal na anunsiyo ng Meralco, magkakaroon ng P0.85 kada kilowatt hour (kWh) na dagdag sa singil sa kuryente sa Marso. Mas mataas ito nang bahagya sa naunang tantiyang inihayag ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga.

Ayon kasi kay Zaldarriaga, tinatayang P0.75-P0.77/kWh lamang ang madadagdag sa singil.

Bilang halimbawa, ang mga dating kumokonsumo ng 200 kWh ay madaragdagan ng P170 sa kanilang bill sa Marso dahil sa P0.85/kWh na taas-singil.

Sa pahayag ng Meralco, sinabi nitong P0.97/kWh dapat ang idaragdag nila pero napagdesisyunan nilang ipataw na lang ang P0.12/kWh sa susunod na billing upang hindi mabigat sa konsumer.

Isa sa mga dahilan ng dagdag sa konsumo ng kuryente ay ang matinding init ng panahon na nararanasan ngayon. 

Sa ngayon, di pa opisyal na naidedeklara ang tag-init kaya maaaring lalo pang umakyat ang temperatura na pupuwersa sa konsumer na gumamit ng mga pantanggal ng init tulad ng electric fan at air conditioner.

Kapalit nga lang ng pangontra-init ang dagdag-gastos.

 -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.