Gobyerno mag-aangkat ng surgical masks sa India

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 08:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mag-aangkat ng surgical mask ang gobyerno para maibenta ng mga pribadong botika sa mga konsumer bunsod ng kakulangan sa supply mula sa local manufacturer.

Isang milyong piraso ng surgical mask ang aangkatin mula sa India ngayong linggo, ayon kay Philippine International Trading Corporation (PITC) president at chief executive officer Dave Almarinez.

Nagkaubusan ng supply ng face mask kamakailan bunsod ng magkasunod na pagsabog ng Bulkang Taal at pagkalat ng COVID-19 galing China.

Nagmahal din ang presyo ng raw materials sa paggawa ng surgical mask sa pandaigdigang merkado, ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo.

“Under auction na, bidding na siya, hindi na siya basta-basta puwede kang bumili o mag-order ng ganoong presyo. Kailangan mong makipag-agawan sa ibang countries,” aniya.

Sa Pilipinas, isa lang ang lokal na supplier ng face mask – na nakabase sa Bataan – kaya sa ngayon ay kulang talaga ang nade-deliver nito sa mga botika.

Sa Maynila, isang Chinese school ang nag-require sa lahat ng mga estudyante nito ng face mask.

“Makikita niyo sa harap ng gate namin, we have a ‘no mask, no entry’ signage doon so we still strictly implement that,” ani Ellen Tan Cu, clinic head ng St. Jude Catholic School.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.