Ambag ng POGO sa ekonomiya ng Pilipinas pinuna ng mga senador

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Halos wala umanong pakinabang ang bansa sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) maliban sa kakarampot na binabayaran nila sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), batay sa puna ng ilang senador sa kanilang pagdinig.

Mula noong 2016, pataas nang pataas ang bilang ng mga Chinese na pumapasok sa bansa. 

Mula 400,000 noong 2015, umabot na ito ng mahigit na 1 milyon pagsapit ng 2018. Karamihan sa kanila ay turista.
    
Pero higit 100,000 ang nabibigyan ng work permit pagdating sa bansa para magtrabaho sa mga POGO.

Ayon sa datos ng Pagcor, kumita nang may $3.5 bilyon o mahigit na P179 bilyon ang mga POGO sa bansa sa taong 2019.

Pero ang kanilang binayaran sa Pagcor bilang franchise fees, kulang-kulang na P5 bilyon lamang o 2 porsiyento lamang ng kabuuang kita ng operators.

Hindi pa kasama dito ang ilegal na POGO na wala umanong nakakaalam kung ilan at magkano ang kinikita.

Tanong ni Sen. Joel Villanueva, bakit kakarampot ang singil ng Pagcor?

"Two percent talaga 'yan, Pero eventually we might increase it, under study," ani Pagcor vice chairman Joel Tria.

Ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros, halos wala na ngang pakinabang sa POGO, nasasangkot pa sa krimen at korapsyon ang mga empleyado nitong banyaga.

Kamakailan ay binunyag ni Hontiveros ang pagbibigay ng VIP treatment umano ng Bureau of Immigration sa mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO at ang prostitution den umano na ang mga kliyente ay pawang mga empleyado sa POGO.

"Wala na ngang pakinabang, nai-import pa natin 'yung krimen at korapsyon," ani Hontiveros.

Dagdag naman ni Villanueva, mahigit na 600 wanted sa China ang natagpuan nilang nagtatrabaho sa POGO.


—Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.