Kulong, multa sa mga sadyang naninira ng salapi: BSP

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 05:20 PM | Updated as of Feb 20 2019 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na may karampatang parusa ang sadyang paninira sa mga salapi.

Sa isang pahayag, sinabi ng BSP na maaaring pagmultahin ng hindi hihigit sa P20,000 o makulong ng hanggang limang taon ang sinumang mapatutunayang sadyang naninira ng salapi, alinsunod sa Presidential Decree No. 247.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawin sa salapi ang mga sumusunod:
• Pagsulat o paglalagay ng mga guhit sa banknotes
• Sadyang pagpunit o pagsunog
• Sadya at sobrang pagtupi o paglukot sa banknotes
• Pagtupi para mag-iba ang hugis o hitsura
• Pag-stapler o paglalagay ng ano mang pandikit
• Pagbabad sa kemikal

Retrato mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas

Retrato mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas

Ayon pa sa BSP, may karapatan naman daw tumanggi ang isang taong nagtitinda kapag ibinayad sa kaniya ang sirang salapi.

PUWEDENG IPAPALIT

Kapag nakatanggap, maaari naman din daw ipalit ang nasirang salapi sa BSP o humingi ng tulong sa mga bangko.

Pero kung magpapapalit ng salapi, dapat ay 60 porsiyento ng papel ang buo pa, hindi nasira ang security thread, at may pirma pa ng pangulo ng bansa at ng BSP governor.

Kung wala ang isa sa mga ito, hindi na mapapalitan ang sirang salapi.

Pero may mga pagkakataon naman daw na nabibigyan ng konsiderasyon ang nasirang salapi lalo kung hindi sinadya ang pagkakasira.

Maaari raw isumbong sa pulisya o tumawag sa BSP kapag nakakita ng sadyang paninira ng salapi.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.