Suplay ng bigas, sapat sa unang 3 buwan ng 2018: PhilRice

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 11:47 AM | Updated as of Sep 03 2019 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang nakikitang kakulangan sa bigas ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) para sa unang tatlong buwan ng taong ito.

Umabot sa 19.3 milyong toneladang palay ang kabuuang produksiyon ng bansa noong nakaraang taon, katumbas ng 12.5 milyong toneladang bigas, ayon kay Liza Bordey, acting Deputy Executive Director ng PhilRice.

"Kung idadagdag natin ang carry over stocks natin nung 2017 na about 2.7 million plus, yung inimport natin nung 2017, ibig sabihin yung buong supply natin ng taong iyun meron tayong 16.2 milyong tonelada," sabi ni Bordey.
 
Dagdag niya, "Kung susumahin natin ang nabanggit kong datos, halos may extra pa tayo na 3 million, good po yun para sa 87 na araw."

Ipinaliwanag rin ni Bordey kung bakit naga-angat ng bigas ang Pilipinas sa kabila ng may ani naman mula sa mga lokal na magsasaka.

"Hindi talaga gaanong nae-enganyo ang ating magsasaka na magbenta sa NFA (National Food Authority) kaya po sa ngayon, instead of local production, ang nabibili ng NFA para sa kanyang stock, sa importation nanggagalin yung kanyang supply," sabi niya.

Sa panayam sa DZMM Martes ng umaga, sinabi ni Bordey na mas mura pa rin ang bigas na inaangkat mula sa ibang bansa.

Dagdag niya, na mas maraming magsasaka ang pinipiling ibenta ang kanilang ani sa mga negosyante.

Aniya, ang prevailing price ng sariwang palay sa pribadong merkado ay P17-P18 habang P17 naman ang sa NFA na tuyo at malinis na.

"Hindi na ako napagod magpatuyo at matimbang pa ang aking ani," sabi ni Bordey. "Kung sa NFA ko ibebenta ito, gumastos na ako sa pagpapatuyo, gumaan pa yung timbang ng produkto ko."

Banggit niya na tumaas ang presyo ng bigas dahil na rin sa dinaraanan nitong mga proseso.

"Mula palay, papatuyuin, ikokono, ita-transport, kaya tumataas ang presyo," sabi niya.

Samantala, bukod sa sapat ay dapat umanong isulong din ang pagkakaroon ng rice security. Bukod sa mataas na kalidad ng bigas at ligtas kainin, dapat na madali rin itong mahanap sa merkado at abot kaya ang presyo.

"Para matamo ang rice security, kailangang maging competitive ang ating farmers. Ibig sabihin, mas mapataas natin ang kanilang ani at mas mapababa ang kanilang gastos," sabi ni Bordey.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.