Pagkain, kapakanan ng magsasaka: mga pangamba sa rice tariffication

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 08:01 PM | Updated as of Feb 19 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring mas paboran ng rice tariffication law, o batas na mag-aalis ng limitasyon sa inaangkat na bigas, ang mga negosyante kaysa ang mga magsasaka, ayon sa isang dating kalihim ng gobyerno. 

Ito ay matapos ikatuwiran ng gobyerno na mas makikinabang ang mga magsasaka sa mas mataas na buwis na ipapataw sa iaangkat na bigas. 

Ayon kay dating Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael Mariano, maaaring mas paboran ng mga trader ang interes ng kanilang negosyo kaysa ang seguridad sa pagkain. 

Kaakibat din kasi ng naturang batas ang malayang pag-e-export ng bigas. 

"Baka nga ang mangyari, nasa gitna pa lang 'yung barko ng imported rice, papunta pa lang dito sa atin, tapos sumipa nang pataas 'yung presyo sa world market, baka ibalik na 'yung barko eh, i-export na, hindi na darating dito sa atin," ani Mariano. 

Bukod dito, muling iginiit ni Mariano na mapanganib ang pagbabasura sa kapangyarihan ng NFA na mamahala sa supply at bentahan ng bigas sa bansa. 

Pero iginiit ng Department of Finance (DOF) na may importante pa ring tungkulin ang NFA sa ilalim ng rice tariffication law, partikular na sa buffer stock. 

“The rice tariffication law emphasizes the role, the vital role of NFA in emergency buffer stocking. Dahil napakahalaga na 'yung mga lugar na nasasalanta ay magkaroon ng access sa bigas. It is our country's staple,” ani Finance Undersecretary Tony Lambino. 

Tingin naman ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. Antonio Tinio na palulubhain ng rice tariffication ang kahirapan at gutom at papayamanin nito ang mga rice cartel sa bansa. 

"The enactment of the rice tariffication law will be another broken promise by the Duterte administration as this measure will only worsen poverty and hunger and will only cater monopoly traders whose primary mission in life is to profit," anang kinatawan sa pahayag. 

Duda naman si Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago kung bakit kailangan pang luwagan ang patakaran sa pag-import lalo na't sagana sa lupang mapagtatamnan ang bansa. 

"Mayaman ang lupa ng Pilipinas para pakainin ang 108 milyong populasyon nito, pero bakit patuloy pa rin tayong nag-i-import ng bigas? At bakit gusto pa nating mag-import ng mas marami? Ano yun?" aniya. 

Samantala, pinag-iisipan ngayon ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na magpatawag ng oversight hearing sa Kongreso tungkol sa rice tariffication law sa susunod na linggo. 

"It’s an important bill and we have to make sure it’s implemented," ani Arroyo.

Sa kabila nito, iginiit naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi magkakaroon ng korapsiyon sa pagkakataong tuluyan na maging epektibo ang batas. 

"Good governance is the hallmark of the Duterte Administration and the President has zero tolerance against corruption and wastage of taxpayers' money," ani Panelo, na tumutukoy sa pondong ilalaan sa mga magsasaka. 

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.