2019 budget na may P125 bilyong 'pork barrel,' ipinasa ng Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 10:25 PM

Niratipikahan na nitong Biyernes ng gabi ng Kongreso ang pambansang budget para sa 2019 na nagkakahalagang P3.757 trilyon sa kabila ng pagkukuwestiyon sa umano'y maanomalyang fund insertions dito.

Nakatakdang ipasa ang panukala kay Pangulong Rodrigo Duterte upang malagdaan ito at pormal nang maging batas.

Kinumpirma ni House appropriations committee chair Rolando Andaya Jr. na may P125 billion na pork barrel para sa mga kongresista at senador sa 2019 budget. Tig-P160 million umano ang mga kongresista, samantalang tig-P3 billion kada senador kung patas ang hatian.

Pinakamalaki umano ang halagang nagalaw sa public works. Hindi naman daw napagbigyan ang lahat ng request ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Bago ratipikahan ang panukala, nagkasundo ang mga kinatawan ng Senado at Kamara na ayusin o i-reconcile ang mga pagkakaiba sa kani-kanilang bersiyon ng panukalang 2019 national budget.

Sa kabila nito, di sumang-ayon si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pinagkaisang bersiyon dahil may pork barrel pa rin daw ito.

“I did not [vote] for the bicameral conference committee report because of two things number one, it’s like signing a blank check, we did not have time to scrutinize the report. The pork barrel is still there and not only in the House but in both chambers,” aniya.

Iginiit din ni Sen. Ping Lacson na may isiniksik na "pork barrel" ang mga kongresista sa pondo ngayong 2019, bagay na matagal nang itinuturing na unconstitutional ng Saligang Batas.

Ikinatuwa ni Senador JV Ejercito ang pagkaapruba sa budget sapagkat kasama rito ang kanyang isinulong na mapondohan, ang pagpapagawa ng mga ospital at pasuweldo sa mga medical professionals sa mga pampubikong ospital at pasilidad.

“Happy ako na 'yung aking insertion ay kasama sa budget. Ito 'yung para sa health facilities enhancement program which will be used for the improvement, upgrade, expansion of all government hospitals and health facilities,” aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv


 
KAMARA SINUHULAN?

Isiniwalat naman ni House appropriations panel chair Rolando Andaya Jr. ang tangka umano ni Budget Secretary Benjamin Diokno na suhulan ang Kamara para manahimik sa umano'y budget insertions.

Pero ayon kay Diokno, walang katotohanan ang mga paratang ni Andaya.

"False, once more... Another wild and baseless allegation," aniya sa isang text message.

Sa isang press briefing sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na inaasahan nilang sasagot si Diokno sa mga naturang mga alegasyon.

"These are serious allegations and we expect Secretary Diokno to answer these allegations," aniya.

Magugunitang naantala ang deliberasyon sa Kamara nang akusahan ni Andaya si Diokno ng pagpasok ng P75 bilyong pondo para sa public works allocations sa pambansang budget.

-- May ulat nina Zandro Ochona at RG Cruz ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.