Oras ng water interruption ng Maynilad posibleng humaba

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 03:45 PM | Updated as of Feb 06 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nag-abiso ang Maynilad na posibleng humaba ang mga oras na walang tubig ang kanilang mga kostumer dahil sa pagbaba ng water level sa mga dam na pinagkukuhanan nila ng supply.

Maaaring makaranas ang Maynilad costumers ng 5 hanggang 18 oras na water service interruption kada araw mula sa dating 2 oras dahil sa pagbaba ng water level sa Angat at Ipo Dam.

Makakaasa ang Maynilad costumers na magkakaroon pa rin sila ng tubig kada araw lalo ngayon at umiiwas ang mga tao sa novel coronavirus sa pamamagitan ng madalas na paghugas ng kamay at pagligo, sabi ni Maynilad corporate communications head Jennifer Rufo.

Nangako ang Maynilad na mag-aabiso agad sila nang maaga sa mga kostumer kapag na-update ang water service interruption schedule.

Nasa 202.18 ang water level ng Angat Dam ngayong Huwebes mula 202.68 noong Pebrero 1, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).

Mula naman sa 100.47 meters noong Pebrero 1, bumaba umano sa 100.15 ang water level ng Ipo Dam.

Nananatili naman sa 42 cubic meters per second ang natatanggap na tubig ng Maynilad at Manila Water mula Angat Dam.

Ipinayo ni Rufo sa publiko na mag-imbak ng sapat na tubig na gagamitin kapag may water service interruption.

Wala namang nakikitang pagbabago ang Manila Water sa kanilang itinakdang water service interruption schedule.

May dagdag umano silang pinagkukuhanan ng supply gaya ng Cardona treatment plant sa Rizal na kumukuha ng tubig sa Laguna Lake at mga deep well.

Ayon naman kay NWRB Executive Director Sevillo David, wala pang planong bawasan o dagdagan ang water allocation ng mga concessionaire.

Pinakasapul pa rin daw ng water service interruption ang mga magsasaka dahil 20 cubic meters per second lang ang laan para sa irigasyon nila, na dapat ay nasa 40 cubic meters per second.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.