Taas-singil sa kuryente sa Pebrero nakaamba

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 05:59 PM | Updated as of Jan 29 2019 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Inaasahang magkakaroon ng pagtaas sa singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) sa Pebrero, ayon sa tagapagsalita ng power distribution company.

Babalik na kasi sa normal ang singilan ng mga planta ng kuryente na nagsusuplay sa Meralco dahil wala na ang tinatawag na "outage allowance," paliwanag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

"Historically 'pag nag-normalize na iyong rates na ating pinapasa sa mga consumer galing sa generation cost, normally mayroon na 'yang upward adjustment by the time February kicks in," sabi ni Zaldarriaga sa panayam ng ABS-CBN News.

Nagkaroon ng bawas-singil ang Meralco nitong Enero dahil sa bawas-singil ng mga planta ng kuryente. 

Posible raw na nasa P0.50 pataas ang dagdag-singil pero maaari pa itong magbago.

Pinaghahanda rin ni Zaldarriaga ang mga konsumer sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente pagsapit ng tag-init dahil sa umano ay malakas na konsumo.

Mas maraming "cooling devices" daw kasi ang ginagamit tuwing tag-init, dahilan para tumaas ang konsumo ng kuryente ng mga tao, ani Zaldarriaga.

"Gagamit ka ng mas maraming cooling devices to be able to cope with the heat," ani Zaldarriaga.

"Ang mangyayari diyan tataas iyong consumption mo," dagdag niya.

Pinaghahandaan din ng Meralco ang nakatakdang "maintenance shutdown" ng Malampaya platform sa Oktubre.

Apat na malalaking planta ang umaasa sa natural gas para makagawa ng higit 3,000 megawatts ng kuryente sa Luzon.

"Inaabisuhan na namin ang mga costumers namin during that period na maging mas masinop sa paggamit ng kuryente," sabi ni Meralco Utility Economics Head Larry Fernandez.

Noong 2017, dagdag na P0.66 kada kilowatt hour na inutay-utay ang naging epekto ng "maintenance shutdown" ng Malampaya.

TAAS-PRESYO SA LPG

Samantala, nasa P1 hanggang P1.50 ang tinatayang dagdag-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) sa Pebrero 1 dahil sa pagmahal ng contract price sa pandaigdigang merkado.

Ang inangkat na diesel at gasolina naman ay nagmura sa merkado sa unang araw ng trading pero maaari pang mabago hanggang Biyernes.

PAG-ANGKAT NG DIESEL

Ayon naman sa Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC), itutuloy na ulit nila ang pag-angkat ng diesel na ibebenta nang mas mura sa mga transport group.

Hindi itinuloy ng PNOC-EC ang planong pag-angkat noong nakaraang taon dahil biglang sumadsad ang presyo ng diesel pero binuhay na muli nila ito dahil sa sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.