Tilapia growers sa Batangas humirit ng window hours sa gitna ng Taal lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 05:14 PM

MAYNILA — Dumulog sa Department of Agriculture (DA) ang mga tilapia grower ng Batangas para mabigyan sila ng window hours upang alagaan ang kanilang mga isda. 

Nasa 6,000 tilapia cages sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel, Talisay, San Nicolas, at Cuenca ang apektado ng lockdown sa gitna ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Ang 5 bayan ang coastal towns na nakapalibot sa Taal Volcano. 

Ang Taal Lake Aquaculture Alliance ang lumapit mismo sa DA para sila ang mamagitan sa mga mangingisda at sa mga lokal na pamahalaan. 

Ayon sa grupo, kailangan nila ng 4 oras ng window hours kada araw para i-harvest ang mga isda, pakainin ang mga ito, at ayusin ang mga sirang kulungan. 

"Payagan sana kami, bigyan kami ng ID sa gate, sa checkpoint, pagdating ng hapon isuko namin para makabalik ulit kami kinabukasan," sabi ni Paps Nera, miyembro ng grupo. 

Sang-ayon naman si Agriculture Secretary William Dar na kailangan talaga ng window hours at susubukan daw niyang makipag-usap sa lockdown authorities na nagbabantay sa mga bayan.

Kapag hindi binigyan ng window hours ang tilapia growers, posibleng mamatay umano ang mga isda at mawalan ng hanapbuhay ang nasa 12,000 nakikinabang dito.

Posible ring sumipa ang presyo ng tilapia sa merkado. 

—Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.