Paglago ng ekonomiya noong 2018 pinakamabagal sa loob ng 3 taon

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 07:04 PM | Updated as of Jan 25 2019 12:52 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 6.2 porsiyento ang naging antas ng paglago ng ekonomiya noong nakaraang taon - ang pinakamabagal simula noong 2015. 

Ito ay base sa naitalang gross domestic product (GDP) na sukatan ng lahat ng mga nagawang produkto at naibigay na serbisyo sa loob ng bansa sa itinakdang panahon. 

Mas mababa ang 6.2 porsiyento sa target ng gobyerno na 6.5 hanggang 6.9 porsiyentong paglago ng GDP. 

Nangyari ito kahit na bumilis ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa huling tatlong buwan ng 2018.

Sa datos na inilabas nitong Huwebes, bumalik sa 6.1 porsiyento ang paglago ng ekonomiya ng bansa mula Oktubre hanggang Disyembre 2018, na bahagyang mas mataas sa 6 porsiyentong paglagong naitala noong Hunyo hanggang Setyembre ng nasabing taon. 

Naitala naman ang 6.9 porsiyentong paglago sa sektor ng industriya - na hudyat umano ng magandang usad sa "Build, Build, Build" program ng gobyerno. 

Samantala, bumagal naman ang manufacturing growth sa 3.2 porsiyento mula 7.9 porsiyento sa parehong panahon noong 2017.

Nagkaroon naman ng 1.8 porsiyentong paglago sa agricultural output sa huling tatlong buwan ng 2018. Ito ay mas mabagal sa 2.3 porsiyentong paglago sa parehong quarter noong 2017. 

Ayon kay Socioeconomic Planning and Development secretary Ernesto Pernia, sisiguraduhin din nilang mapapanatiling mababa ang presyo ng bigas sa ilalim ng panukalang rice tariffication para mapalago ang agrikultura ng bansa. 

May plano din silang manghikayat pa ng mas maraming negosyante sa bansa sa pamamagitan ng mas maayos na polisiya para mapabilis ang paglago ng manufacturing sector. 

Dagdag niya, maaaring mas mataas sana ang GDP growth noong 2018 kung pumasok ang antas ng inflation sa target ng gobyerno.

"If inflation stayed within target range in 2018, real GDP growth could have been 1.2 percent better and bring it closer to lower end of target," aniya. 

Magugunitang bumagal sa 5.2 porsiyento ang kabuuang inflation - o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin - sa pinakamataas nitong antas loob ng 9 taon.

-- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.