Walang hulihan: DOTr at motorcycle taxi firms nagkaayos na

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 02:39 PM | Updated as of Jan 22 2020 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagkasundo na ang gobyerno at mga kompanya ng motorcycle taxis na tuloy ang ginagawang pag-aaral ukol sa naturang serbisyo at hindi na magkakaroon ng hulihan.

Sa isang closed-door meeting na pinagitnaan ng mga mambabatas sa Kamara, nagkaayos na ang technical working group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) at Angkas, Move It, at JoyRide.

Bukod sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa motorcycle taxis, itinaas na rin ang alokasyon ng drivers para sa bawat kompanya. 

Tig-15,000 driver ang papayagan sa 3 kompanya sa Metro Manila at tig-3,000 naman sa metro Cebu at Cagayan de Oro.

Sumatotal, 63,000 na ang kabuuang motorcycle taxis na papayagang pumasada sa Pilipinas, mula sa dating cap na 39,000.

Ayon sa pinuno ng TWG na si Antonio Gardiola, kung hindi magagamit ng isang kompanya ang buong alokasyon nito ay maaari itong pakinabangan ng iba. 

"Kung di ma-fill up 'yung cap nila, it will be redistributed. The one who will benefit from it is Angkas because they have these ready players," ani Gardiola sa panayam sa ANC. 

Dahil dito, sinabi na rin ng pamunuan ng Angkas na iaatras nila ang mga kaso laban sa TWG. 

Ikinatuwa naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang pagkakaayos ng 2 panig. 

"This is a good development for commuters so that motor-taxis can continue to operate as government tries to solve the mass transportation and traffic crisis in the country," anang mambabatas.

Lunes nang ianunsiyo ng DOTr na tinatapos na nila ang pag-aaral at ipahuhuli umano nila ang motor taxis na pumapasada. 

Pero makalipas ang isang araw ay binawi nila ang desisyon matapos makumbinse ng mga senador.

—Ulat nina Zandro Ochona at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.