Mga gasolinahang nagpataw ng excise tax nadagdagan, ininspeksiyon

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 05:28 PM | Updated as of Jan 22 2020 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ininspeksiyon ngayong Miyerkules ng Department of Energy (DOE) ang mga gasolinahang nagpataw na ng mas mataas na buwis sa langis.

Nasa higit 450 gasoline stations sa buong bansa ang nagpatupad na ng mas mataas na excise tax o buwis sa langis mula sa 423 naiulat noong Lunes.

Nasa P1.68 ang excise tax sa kada litro ng diesel, at P1.12 sa kada litro ng gasolina at kerosene.

Sa pag-inspeksiyon ng mga taga-DOE, hiningi nila ang mga dokumentong gaya ng sales at delivery invoice at imbentaryo bago at pagkatapos pumasok sa gas station ang mas mahal nang produkto.

Tinitingnan din ng mga taga-DOE kung may tarpaulin ang gas station na nagsasaad na sila ay nagpatupad na ng excise tax.

Pero marami naman sa mga nagpapakarga ay hindi alam na naipatong na pala sa ikinarga nilang gasolina o diesel ang buwis.

Ang iba namang motorista ay hindi pansin ang tarpaulin at deretso bayad na lang.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law, nakatakdang magkaroon ng dagdag sa buwis ng langis kada taon sa loob ng tatlong taon simula Enero 1, 2018. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.