Trillanes may duda sa lumulutang na 'government take over' ng Hanjin

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 07:12 PM

Pinababantayan ni Senador Antonio Trillanes IV ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan kaugnay sa ideya ng pag-take over sa kompanyang Hanjin, na nagdeklara ng bankruptcy noong nakaraang linggo.

"Iyung mga pronouncement magaganda pero eventually sinasabi ko sa inyo, mapupunta 'yan sa Davao Group at sa Chinese companies na ka-partner nila, ganyan palagi eh," sabi ni Trillanes. 

Ang Davao Group ay isa umanong grupo na pinangungunahan ni presidential son Paolo Duterte na pinagbintangan ni Trillanes na dawit sa pagpupuslit ng kontrabando.

Miyerkoles nang palutangin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na "bukas" si Pangulong Rodrigo Duterte sa suhestiyon ni Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Robert Empedrad na i-take over ang Hanjin upang makagawa ng sariling barko ang militar.

"Empedrad told me, 'why not take over Hanjin?' I brought it up to the President last night. He was open to the idea,” pagbubunyag ni Lorenzana.

Ang Hanjin ay isang kompanya mula South Korea na may pasilidad sa Subic kung saan sila gumagawa ng mga barko. 

Nitong Huwebes, sinabi ni Trillanes na dapat ay ipaubaya na lamang ang rehabilitasyon ng kompanya sa mga bangko para masagip ito.

Dagdag pa ng senador, "strategic" ang lokasyon ng Hanjin at maaaring makompromiso ang pambansang seguridad dahil may submarine bay doon.

Noong nakaraang linggo ay humiling ang Hanjin ng isang petition for rehabilitation mula sa isang korte sa Olongapo upang masagip sa tinatayang $412 milyong utang sa BDO Unibank, Bank of the Philippine Islands, Rizal Commercial Banking Corp, Metrobank, at LandBank of the Philippines.

-Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.