'NFA rice nananatili sa P27 kada kilo'

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 09:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Siniguro ng National Food Authority (NFA) na patuloy ang pagbebenta nila ng bigas sa P27 kada kilo sa ngayon pero nakaamba pa rin ang pagbabago ng presyo nito. 

Ayon kay NFA Administrator Tomas Escarez, patuloy na dumarating ang kanilang inangkat na suplay na bigas at sapat pa umano ito hanggang Agosto. 

"Sa ngayon 'yung imbentaryo natin na darating [ay] through importation plus [iyung] present inventory that we have," aniya. 

"Nasa 16 million bags iyan, we will continue to sell that in P27 per kilogram,” dagdag niya. 

Ani Escarez, aabot ng 250 araw ang kasalukuyang suplay ng bigas na ibebenta bilang NFA rice sa kasalukuyang presyo hangga't hindi pa nauubos ang stock nito. 

Naunang binanggit ni Agriculture Secretary Manny Piñol na pinag-aaralan pa kung magkano ang pagbenta sa naturang bigas. 

“NFA will still continue to sell subsidized rice, as to how much we will have to discuss this with the decision makers,” ani Piñol sa isang panayam noong Enero 15. 

Magugunitang nakaamba ang posibilidad na mawala ang NFA rice sa merkado, maging ang posibilidad ng dagdag-presyo nito sa posibleng pagsasabatas ng Rice Tariffication bill. 

Galaw sa presyo ng bilihin sa Balintawak Market

Samantala, mababa pa rin ang presyo ng ilang gulay na galing sa Baguio sa Balintawak Market.

PRESYO NG GULAY

  • Carrots → P35/ kilo (dating P60/kilo)
  • Cauliflower→ P50/kilo (dating P60/kilo)
  • Brocolli→ P50/kilo (datin P60/kilo)
  • Patatas→P45/kilo (dating P50/kilo)
  • Bellpepper → P120/kilo (dating P60/kilo)

Pero tumaas naman ang presyo ng ilang gulay-Tagalog na ginagamit sa pakbet. 

Nasa P20 hanggang P40 na mula sa P20 hanggang P30 ang presyo ng sitaw. 

Dumoble naman ang presyo ng ampalaya, na nasa P120 kada kilo na mula P60 kada kilo. 

Tumaas din ang presyo ng sigarilyo at okra, na pawang nasa P15 kada tali mula P10 kada tali. 

Wala namang paggalaw sa presyo ng karne ng baboy na nasa P190 kada kilo, pero bumalik na sa 120 hanggang 130 pesos kada kilo ang presyo ng manok dahil sa pagtaas ng farmgate price nito.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.