Presyo ng ilang brand ng LPG tumaas

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 08:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa pang taas-presyo sa LPG nagbabadya sa Pebrero

Anim na araw tumatagal ang liquefied petroleum gas (LPG) na ginagamit ni Malou Cuadling sa pagluluto ng mga ulam sa maliit niyang karinderya sa Quezon City.

Hindi pa raw nagtataas ng presyo ang kaniyang suplayer pero inaasahan niyang mas mahal na ang benta sa kaniya sa Biyernes, Enero 18.

Ayaw naman umanong taasan ni Cuadling ang presyo sa karinderya para makabawi sa taas-presyo ng LPG dahil baka raw hindi na bumili ang mga kostumer.

"Kawawa naman 'yong mga bumibili kasi kung itataas ko 'yong presyo," ani Cuadling.

Pero kung hindi pa nagmahal ang suplayer ni Cuadling, ilang brands ng LPG na ang nagpatupad ng taas-presyo dahil sa mataas na buwis sa langis.

Nasa P1.12 ang taas-presyo sa kada kilo ng LPG o P12 sa kada 11 kilogramo na tangke ang ipinatupad ng Fiesta, Petron Gasul, at Solane.

Sa Enero 17 naman magpapatupad ng P1.12 dagdag ang brand na Regasco sa kada kilo ng LPG.

"Because all our old stocks are depleted at ito ngayon ay puro new stocks so mag-i-implement ang mga importer ng increase," ani LPG Marketers' Association (LPGMA) party-list Rep. Arnel Ty.

Ayon sa Department of Energy, wala silang natatanggap na abiso ng taas-presyo.

TAAS-PRESYO INAASAHAN SA PEBRERO

Ayon pa kay Ty, inaasahang magkakaroon muli ng taas-presyo sa LPG sa Pebrero.

"May increase sa world market price and we are expecting it, that it will have an increase for February," ani Ty.

Maglalaro ang taas-presyo sa Pebrero sa P1 hanggang P2 kada kilo, o P11 hanggang P22 kada 11 kilogramo na tangke, ani Ty.

Sa ngayon, naglalaro sa P570 hanggang P670 ang presyo ng 11 kilogramo na LPG.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.