Dagdag sahod para sa kawani ng gobyerno, tuloy dapat: Drilon

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 03:11 PM

MANILA - Hindi naniniwala si Senador Franklin Drilon na walang sapat na pondo ang gobyerno upang hindi tustusan ang nakatakdang taas-suweldo para sa mga kawani ng pamahalaan.

Naunang sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno na maaaring maantala ang pagtaas ng suweldo ng mga nagtratrabaho sa gobyerno dahil hindi pa rin naaaprubahan ng Kongreso ang budget para sa taong 2019.

"Nandiyan naman yung pondo, meron namang savings ang pamahalaan, hindi ko alam bakit ayaw nila i-release," sabi ni Drilon sa isang panayam sa DZMM. 

"May sapat na paraan at basehan ang pagrelease ng pagtaas ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan by January 15," aniya.

Kung hindi man mailabas ang pondo sa susunod na linggo, naniguro naman ang senador na matutuloy pa rin ang taas-sahod sa susunod na buwan.

"Ang Senado magbubukas sa Lunes, by the end of the month, tatapusin namin ang budget so maantala man dahil ayaw ni Sec. Diokno... By the end of the month, mare-release na yan, mapapatupad na ang pagtaas ng sahod," sabi ni Drilon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod kay Drilon, nauna nang sinabi nina Senador Ping Lacson at Bam Aquino na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa naturang dagdag suweldo.

Sa bisa ng isang executive order na pinirmahan noong termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III, 4 na sunod-sunod na umento sa sahod ang ibibigay sa mga kawani ng pamahalaan mula 2016 hanggang 2019.