'Bagal, seguridad ng internet, problema sa Telecommuting Act'

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga isyu pang dapat maresolba bago maipatupad ang Telecommuting Act sa Pilipinas. Kasama rito ang problema sa internet at cybersecurity, ayon sa isang grupo ng mga employer. 

Ito ay matapos isabatas ang Republic Act 11165 o ang Telecommuting Act na nagpapahintulot sa isang empleyado sa pribadong sektor na makapagtrabaho sa labas ng opisina sa pamamagitan ng telecommunication o computer.

Ayon kay Employers' Conferederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis, magsisilbing problema sa pag-monitor sa trabaho ng empleyado ang mahinang internet connection ng bansa. 

"Hindi naman lahat ng bahay puwedeng may signal, I think it's untimely kasi I don't think the technology and infrastructure is there," aniya. 

Ayon pa kay Ortiz-Luis, maaari raw ikonsidera ang paggamit nito sa mga nasa industriya tulad ng business process outsourcing (BPO). 

Ngunit aniya, maaaring balakid dito ang data secrecy dahil may ilang mga kompanyang hindi pumapayag na iuwi ng mga empleyado ang kanilang trabaho. 

Ayon naman kay Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay, matatagalan pa bago tuluyang maipatupad ang batas. 

Ito ay dahil may 60 araw ang Department of Labor and Employment (DOLE) para magbalangkas ng Implementing Rules and Regulations at bibigyan ng 3 taon ang ahensiya para subukan ang telecommuting sa mga piling kompanya. 

Iginiit din niya na hindi lahat ng sektor ay pasok dito. 

"Hindi lahat ng industriya at sektor ay puwede mag-telecommute, siyempre meron 'yang mga select industries na tinatawag natin," aniya. 

Kung sakaling pagmulan ng hindi pagkakaunawaan sa employer at employee ang naturang batas, mamamagitan ang DOLE at kikilatisin kung makabubuti ba o hindi sa isang negosyo ang telecommuting o work from home arrangement. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.