Umento sa sahod ng mga guro apektado ng nabiting 2019 budget

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 09:03 PM

Umaaray ang ilang guro sa mga pampublikong paaralan sa pagkaantala ng umentong matatanggap sana nila nitong taon. 

Apektado kasi ng 2019 national budget ng pamahalaan ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno, na kinabibilangan ng mga guro sa mga public schools, sa ilalim ng huling tranche ng Salary Standardization Law. 

Kabilang sa mga maaapektuhan si Bong Dannug, principal ng Bagong Barrio National High School at ang gurong si Ryan Romnick Sanchez, na ikinadismaya ang pagkaantala sa budget. 

“Nakakalungkot… May mga needs pa ang aking family,” ani Dannug. 

“Nakakalungkot po [kasi] ako po ang breadwinner ng pamilya... Ako ay tumutulong sa pamilya,” ani Sanchez. 

Nagpaliwanag si Department of Education spokesperson Undersecretary Annalyn Sevilla na kailangan nilang hintayin na aprubahan ang national budget na nakapaloob sa panukalang General Appropriations Act (GAA) bago umarangkada ang dagdag-suweldo. 

Bukod sa antala sa umento, maaantala rin ang pagpapatayo ng 276 pampublikong paaralan na balak itayo ng Department of Education (DepEd) ngayong 2019. 

Nanawagan si House Majority Leader Rolando Andaya na mai-release nina Budget Secretary Benjamin Diokno ang umento dahil bukod sa hiwalay ito sa 2019 General Appropriations Act ay saklaw ito ng ibang batas. 

Labag din umano sa Saligang Batas ang pag-antala nito. 

“The increases are not GAA-dependent and are authorized by separate laws crafted by Congress and issued by the President himself. Delaying their release is unconstitutional,” aniya sa pahayag. 

Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, maaari naman daw hugutin ng Department of Budget and Management (DBM) ang P100 bilyong pondo para sa miscellaneous Personnel Benefits Fund mula sa ilalim ng 2018 national budget. 

Di rin umano kasama ang pondo para sa pagtatalaga ng mga bagong posisiyon, mid-year at year bonus at benepisyo, cash gift, clothing, at uniform allowance, at productivity enhancement incentive, ayon sa DepEd. 

Ayon sa Teachers' Dignity Coalition (TDC), patunay umano ang pagkaantala na hindi prayoridad ng gobyerno ang umento sa kanilang sahod. 

"Kakapiraso na nga lang ang umento ay made-delay pa... This only goes to show that Diokno proves his words, that teachers' salary is not a priority of the government," ani TDC chairperson Benjo Basas. 

Nangako ang DepEd na makikipag-ugnayan sila sa DBM para magawan ng paraan ang pagkalap ng pondo. 

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.