Taas-presyo, ramdam na ng ilang mamimili

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2018 09:39 PM | Updated as of Jul 03 2019 05:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naramdaman na ng ilang konsumer ang dagdag-presyo sa mga bilihin at nangangamba sila na baka lalo pa itong tumaas dahil sa nakaambang pagmahal ng produktong petrolyo dahil sa tax reform law.

Isa si Carlito Olecia, may-ari ng kainan, sa mga nagulat sa pagtaas ng presyo ng ilang bilihin. Sumobra kasi ng P2,000 ang arawang budget para sa kaniyang canteen.

Dahil dito, itinaas na niya ng P5 ang presyo ng mga ibinebentang ulam habang P5 hanggang P10 rin ang dagdag-singil sa soft drinks.

Aniya, baka hindi na kayanin ng budget niya kapag tumaas pa ang presyo ng mga bilihin. 

"Titigil na ako kasi wala na akong ipapasuweldo. Ito nga nagtaas kami ng P5, sabi no'ng bumibili sa amin 'ang mahal naman.' Sabi ko 'ikaw nga sa gas,'" kuwento ni Olecia. 
    
Nagsimula na ring magtaas ng presyo ang ibang bilihin paglipat ng taon sa talipapa ng Visayas Avenue. Sa mga palengke rin sa Quezon City nila nabili ang mga itinitinda.
    
Hindi pa naman gumagalaw ang presyo sa malalaking palengke pero nangangamba na ang mga nagtitinda dahil sa nakaambang pagmahal ng produktong petrolyo.

Halos P3 kasi ang inaasahang dagdag sa presyo kada litro sa gasolina at diesel habang higit P3 naman sa kerosene. 

Nakaamba rin ang dagdag presyo na P12 sa kada 11 kilo cylinder ng liquefied petroleum gas (LPG).

Kaya naman pinaghahandaan na maging ng trucking services ang ipapatong na charges ng mga shipping line at ang dagdag sa gastusin nila sa gasolina. 

"We cannot refuse not passing on to the costumer, to the consumer. Everybody will embrace this," ayon kay Mary Zapata ng Aduana Business Council.

Hindi rin umano malayong maipasa sa konsumer ang mga gagastusin ng mga magbibiyahe ng mga karne sa mga retailer.

"Sa ngayon wala pang definite policy para matulungan namin ang stakeholders. I'm sure that the Department of Agriculture will come up with a policy," ayon kay Dr. Simeon Amurao Jr. ng Bureau of Animal Industry. 
    
Giit ng Bureau of Internal Revenue (BIR), lalaki naman ang take-home pay ng mga taxpayer. 

"Yes, the tax law po is may indirect impact on pricing pero hndi naman po gano'n kalaki ang taas ng presyo. Kami po sa BIR [ay] naniniwala na dumaan ito ng masusing pag-aaral," ayon kay Atty. Marissa Cabreros ng BIR.

Nitong Huwebes, ipinaliwanag ng Depart of Trade and Industry (DTI) na hindi dapat magtaas ng presyo sa mga pamilihan at kung mayroon man, maliit lang ito at hindi dapat gaanong maramdaman. 

Pero ibang usapin anila kapag soft drinks at langis na ang bibilhin dahil ito ay may direktang dagdag sa ilalim ng tax reform law. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.