P25 dagdag sa minimum wage di sapat: Labor chief

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 07:16 PM

Labor Secretary Silvestre Bello III. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Naniniwala si Labor Secretary Silvestre Bello III na kulang ang umento sa sahod na inaprubahan noong Nobyembre para makaagapay ang mga mangaggawa sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa P25 ang umento sa sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board para sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage sa Metro Manila. Bunsod nito, naging P500 hanggang P537 ang halaga ng minimum wage ng mga manggagawa sa iba-ibang sektor sa Metro Manila.

Pero para kay Bello, dapat ay nasa higit P100 ang itinaas ng sahod.

"'Yon ang aking personal assessment based on the current economic situation, 'yong inflation rate, 'yong pagtataas ng presyo ng mga basic commodities. I thought that it would be good to consider that amount," sabi ni Bello sa panayam ng ABS-CBN News.

Pero iginiit din ni Bello na may economic factors na kailangang isaalang-alang sa pagpataw ng umento sa sahod.

"Considering the capacity of the employers, sabi ko it would not be timely to recommend a wage hike adjustment by that amount," aniya.

Higit P300 naman daw dapat ang itinaas ng sahod para sa minimum wage earners, sabi ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).

"Kinompyut namin ang pagtaas ng mga presyo at mga bilihing ito, at kinompyut din namin itong forthcoming o paparating na pagtaas ng basic comodities at services, at kinompyut din namin 'yong capacity ng mga negosyante na ibigay 'yong kaukulang sahod. So we came up with P850," ani ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.

Pinag-aaralan na ng ALU-TUCP na muling humirit ng umento sa sahod dahil sa inaasahang epekto ng taas-presyo ng mga bilihin at pagpataw ng dagdag sa buwis sa langis.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na hindi dapat ikalito ang minimum wage sa living wage.

Ang living wage ay ang antas ng suweldo na sapat lang para makaiwas na malagay sa ilalim ng poverty line ang isang manggagawa, na hindi minamandato ng labor code.

--Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.