P36,500 naipon sa 3 alkansiya sa loob ng isang taon

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 08:54 PM

Matagumpay na nakapag-ipon ng P36,500 ang online seller na si Richard Roque noong 2018 mula sa itinabing mga P50 bill gamit lang ang tatlong alkansiya.

Ayon kay Roque, araw ng Pasko nang buksan nila ng kaniyang pamilya ang mga alkansiya at laking tuwa raw nila nang mabilang ang isang taon ipon.

"Pagkabuhos namin 'yong mga bata nakigulo rin, nakibilang din," ani Roque.

Balak daw ilaan nina Roque ang naipon para sa matrikula ng anak nila.

"Naka-P36,500 kami, so parang kami, ang ano namin is pang-tuition fee ng bata," aniya.

Sa matrikula ng anak din inilaan nina Roque at ng asawa ang naipong P24,000 noon namang 2017.

Nagsimula raw sina Roque sa pag-iipon ng tig-P5 noong 2017 hanggang sa naisipan nilang lakihan ang halagang iniipon at nakaipon ng P24,000.

Ayon kay Roque, mahalagang pairalin ang disiplina para hindi matuksong galawin ang ipon.

Ikalawang araw pa lang nitong 2019 pero may naitabi nang P950 ang mag-asawang Roque para sa panibagong ipon.

Naturuan din ni Roque ang tatlong anak na mag-ipon.

Ayon naman sa financial advisor na si Lloyd Bazar, mahalagang kontrolin ang mga gastusin at luho para makapag-ipon.

"Maraming Pinoy, maganda ang trabaho, baon pa rin sa utang kasi habang umaakyat ang suweldo, umaakyat din ang gastusin. Dapat hindi ganoon," ani Bazar.

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.